18/04/2026
Nag-isyu ng show cause order ang Land Transportation Office (LTO) laban sa rehistradong may-ari at driver ng isang pick-up truck na may sakay na bata sa likuran ng sasakyan.
Sa larawan na kumalat sa social media, makikita ang isang bata na nakasakay sa likurang bahagi ng sasakayan habang bumibiyahe sa pampublikong kalsada, bagay na itinuturing ng ahensya na lubhang mapanganib at labag sa batas.
Dahil dito, pinapaharap ang mga sangkot sa Intelligence and Investigation Division ng LTO upang magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat masampahan ng kasong Exceeding Registered Capacity, Reckless Driving at Improper Person to Operate a Motor Vehicle.
Kasabay nito, agad ding sinuspinde ng 90 araw ang lisensya ng driver na nagmaneho ng nasabing sasakyan, habang inilagay naman sa alarm status ang pick-up truck.
Babala pa ng LTO, kung hindi sisipot ang may-ari at driver sa itinakdang pagdinig, padedesisyunan ang kaso batay sa mga ebidensyang hawak ng ahensya.